Cover Image
Cover Photo Cabinet     Home Categories News Sports Agham Historya About Us Feedback

High Quality Image

FEATURE

Sa Gitna ng Delubyo, Bayanihan ang Ilaw sa Duyan ng Pighati

Sa panahong ang langit ay tila walang awang lumuluha at ang tubig baha’y hindi na umaatras, ang bawat tahanan ay nilulukob ng takot, pag-aalala, at kawalangkatiyakan. Ngunit sa kabila ng kadilimang bumabalot sa paligid, may liwanag na sumilay liwanag na hatid ng pagkalinga, malasakit, at pagkakaisa ng komunidad ng San Vicente – San Francisco High School.

Noong Agosto 1, sa pamumuno ng Pixel Club, at Rover Scout, isinagawa ang “Online Kumustahan” na may temang “Kumusta Francentians? Staying Connected, Healthy, and Resilient in Times of Crisis.” Sa kabila ng baha, sakit, at distansyang pisikal, nagtipon-tipon ang mga guro, mag-aaral, at tagapamahala upang ipadama ang ugnayang hindi kayang sirain ng unos.

Pinangunahan nina Bb. Judy Ann I. Cabrera at G. Marvin D. Masangcay ang makabuluhang pagtitipon. Sa pagbubukas ng programa, kasabay ng panalangin, pambansang awit, at himno ng paaralan, ay ang pagdaloy ng damdaming puno ng pag-asa at pananalig.

Isa sa mga tampok na bahagi ng programa ay ang ulat ni G. Mark Viray Sonza, kung saan tinalakay niya ang kasalukuyang lagay ng Macabebe. Sa kanyang tinig ay nahayag ang sitwasyon ng bayan tila panaghoy ng ilog na pagod na sa walang humpay na pagbaha. Ngunit sa kanyang mensahe ay naroon ang paalala: “Huwag tayong bibitaw. Sa bawat pag-agos ng tubig, dapat ay sabayan natin ito ng agos ng paghahanda at pagtutulungan.”

Mula naman sa MDRRMO, ibinahagi ni G. Jomel Cruz ang mga hakbang sa pagiging ligtas sa panahon ng sakuna tila gabay na kumpas ng isang lider sa gitna ng kaguluhan.

Nagbigay rin ng mahalagang talakayan si Dr. Aldrian B. Guguinto ukol sa kalusugan sa panahon ng baha. Mula sa tamang hygiene hanggang sa pag-iwas sa alipunga, ang kanyang mensahe ay tila haplos ng kaalaman sa noo ng mga nangangambang magulang. “Ang kalinisan ay hindi lamang pangangailangan ito’y sandata laban sa sakit,” kanyang paalala.

Hindi rin nalimutan ang pangangalaga sa isipan at damdamin. Sa matapat at mapagmalasakit na mensahe ni Gng. Esperanza Villegas, guidance counselor ng paaralan, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mental health. “Ang tunay na bayanihan ay nagsisimula sa pakikinig at pag-unawa sa isa’t isa,” kanyang sinabi isang paalalang mahalin ang sarili sa gitna ng unos.

Upang mapawi ang tensyon, naghandog ang mga tagapamagitan ng masasayang icebreaker na nagbigay ngiti sa mukha ng bawat kalahok. Ang tawanan at sigawan sa comment section ng livestream ay tila himig ng pag-asa, na sa kabila ng hirap, may dahilan pa ring ngumiti.

Sa pagtatapos, iniulat ang mga susunod na proyekto ng SSLG, at inihatid ni Assistant Principal Eduardo C. Manalang ang paalala: “Manatiling matatag. Manatiling konektado. Manatiling ligtas.”

Ang “Online Kumustahan” ay hindi lamang isang programa; ito ay naging tulay ng pagdamay at ilaw ng pagkakaisa sa madilim na yugto ng sakuna. Sa gitna ng baha at pighati, lumitaw ang tunay na diwa ng pagiging Francentian matatag, maalaga, at hindi kailanman sumusuko.


svsf-sslg-orawco-artikulo-logo

| ©2025 Daily Artikulo of the ORAWCO Club (SVSFHS). All rights reserved.